November 6th, 2008
takeout
Minsan nakakatakot na talagang maglakad sa kalye kahit maaga pa.
Pagbaba ng bus, nilalakad ko na lang papunta sa bahay namin. Sayang kasi ang pamasahe, P8.50 din yun; may libreng exercise na, pwede ka pang magmuni-muni. At meron ngang pagmumuni-muning naganap kaninang nasa kanto na ako ng P Noval at SH Loyola (Lepanto), mga alas-8 ng gabi. Bitbit ko ang pizza na tira nung tanghalian. Nakasabit lang sa hintuturo ko ang manipis na taling nakapalibot sa kahon nito. Akin ang mundo habang naka-headset pang nakikinig ng mp3. Nang biglang...!
Mula sa aking likuran ay may humablot ng kahon. Medyo nasaktan ako kasi biglang hatak, plastik na straw pa yung tali. Pero napalitan ito ng takot nang mapatingin ako sa salarin!
Ilang taon lang ang tanda sa akin ng lalaking palaboy. Madumi ang kanyang suot, nakayapak, madumi ang mga paa. Nakatagilid pa lamang sya paglingon ko kaya nakita ko ang profile nya. Sa isang kamay ay hawak nya ang kahon, tinititigan ang mga larawan ng pagkaing nakaimprenta doon. Sa kabilang kamay...
Hawak nya ang isang misteryosong supot na hindi nya matanggal-tanggal sa kanyang ilong!
Naglakad sya palayo sa akin na parang walang nangyari. Hindi ko na sya inabala pa, ayoko namang magkaroon ng gripo sa tagiliran o anumang parte ng aking katawan. Kinapa ko na lamang ang bag ko para matiyak na walang ibang nakuha sa akin. Paranoid na ako kasi kakanakaw lang (ulit) ng telepono ko nung September. Ewan ko ba kung bakit ako laging napagdidiskitahan eh mukha din naman akong busabos 
Pero hindi naman ako mukhang tatanga-tanga! Sa di malamang dahilan, nitong 2008 lagi akong nananakawan. (Defensive mode) Wag na sanang madagdagan!
Hindi ko na matandaan kung saan ko nabasa pero galing sa gobyerno ito eh: A WALKABLE CITY IS A HEALTHY CITY. Kung ganoon pala, ano na ang lagay dito sa amin? Kanser ito! Stage 4! 
May mga pulis naman pero sa Morayta nakaistasyon (mas marami kasing kababalaghang nangyayari sa banda doon eh... hehehe). Sana lagyan din dito sa may Lepanto kahit may pagka-residential area. Parte pa rin naman ng University Belt ito. Maraming mga kabataan na pwedeng maging biktima, lalo't nandito ang boarding houses nila.
Ano, bahala na lang si Batman? Sige, tawagin natin... o, eto na pala eh: BATMAN! Ninu-ninu-ninu-ninu, ninu-ninu-ninu-ninu... 

)