bawal ang pork
Naiinis ako sa sarili ko at minsan ay napapaisip tuloy kung meron na ba akong sakit. Hindi ko sigurado kung kailan pa ito nagsimula, pero napapansin kong dumadalas yata akong sumpungin ng short-term memory loss. Hindi naman singgrabe ni Lucy (Drew Barrymore) sa
50 First Dates, pero humihina ang pag-alala ko sa mga detalye kahit sabihing kanina lang naganap ang isang pangyayari. Normal lang siguro yun; hindi naman lahat ng bagay ay kaya mong alalahanin, di ba? Ngunit kung personal mo akong kilala, alam mong hindi ko ugali ang makalimot ng mga bagay-bagay. Katunayan, isa nga yan sa mga katangian kong kinatutuwaan ng aking mga kaibigan - buhay na buhay daw akong magkwento, dahil hanggang kaliit-liitang detalye ay mailalarawan ko.
Marahil ay natakot ang aking ina nang ito'y aking mabanggit sa kanya. Nakatikim tuloy ako ng sermon tungkol sa pagpupuyat at kakulangan sa pahinga. Nasita ang aking pagsusulat, pagbabasa at pagharap sa computer - sobra raw. Wala na akong maisagot dahil may punto naman sya, kahit sa aking palagay ay hindi naman singlabis ng kanyang iniisip ang panahong ginugugol ko sa mga naturang bagay. Ininom ko na lang ang ferrous sulfate tablet na ibinigay nya. Naiintindihan ko sya sapagkat nangyari na rin sa kanya ito - dahil sa paulit-ulit na pagod at puyat, nagulantang na lamang sya nang isang araw, ang simpleng pagkukwenta ay nahihirapan na syang gawin. "Wala akong alam!" sabi nya. Nakakatakot namang talaga - walang kasingsakit ang mapagtantong unti-unting kumukupas ang iyong kaisipan.
Sa kabilang banda, may posibilidad na hindi lang ako masyadong nakapokus sa aking ginagawa. "The true art of memory is the art of attention," ika nga ni Samuel Johnson. Kung anu-anong imahe ba ang pakalat-kalat sa aking diwa kaya't kalahati lang ng utak ko ang gumagana habang tinatapos ang isang bagay? Nasobrahan yata ako sa multi-tasking. At ngayong nabanggit ko na:
multi-tasking
Sa telepono:
sya: (biglang tumigil sa pagkukwento) Hay nako, nagte-text.
ako: (tuloy pa rin sa pagte-text) Hinde...
sya: Naririnig ko.
ako: (tuloy pa rin sa pagte-text) Hindi naman ako katulad mo noh. Naiintindihan ko pa rin lahat ng sinasabi mo kahit nagte-text ako. Multi-tasking 'to.
sya: Ayokong magkwento ng ganito. Gusto ko...
ako: (message sent) Oo na.
ako: (nakarinig ng splash ng tubig sa background) Ano'ng ginagawa mo, naghuhugas ng pinggan?
sya: Nagsasaing. Multi-tasking din ako noh.
lapis at ballpen
Abala ako sa pagkalkal ng aking bag. Nakapatong ang aking file case sa mesa, at sa ibabaw nyon ay ang aking lapis at ballpen. Habang naglalakad sya papunta sa harapan ay nasagi nya ang file case ko. Tumilapon ang lapis at ballpen sa sahig. Nagmamadali akong yumuko para pulutin ang mga yon, at nang sa gayo'y di na sya maabala pa. "Hindi, OK lang." Mas malakas ang aktuwal kong pagkakasabi kaysa sa nais ko lamang iparinig. Pero bago pa ako matapos magsalita, iniabot nya ang lapis at ballpen sa akin na para bang ito'y banal na alay sa mga anito. "Sorry." sabi nya.
"Salamat." sagot ko. Napatingin ako sa kanya at napagtanto kong nakatingin rin pala sya sa akin. May kumabog sa dibdib ko. Sa maniwala kayo't sa hindi, biglang umalingawngaw sa aking utak ang awiting ito:
Don't you know that we both belong, baby
Don't you know that we will last forever
Don't you know that we both belong
I knew it from the start... we belong.
Inayos kong muli ang aking mga gamit. Umupo sya sa bakanteng pwesto sa aking harapan. Kinagat ko ang aking mga labi para hindi tuluyang matawa; nakuntento na lang ako sa pagngiti. Ipinagdasal kong sana ay walang nakakita sa sandaang emosyong naglaro sa aking mukha sa maikling sandaling yon. Pihadong hindi nila yun maiintindihan.
Natapos ko naman nang maayos ang pagsusulit. Bumabalik lamang sa akin ang kakaibang emosyon tuwing ipapasa namin ang aming papel sa harapan o kaya naman ay may bagong set ng questionnaire na kailangang iabot sa likuran. Tuwing may kukunin o ibibigay sya sa akin, buong pag-iingat nya itong ginagawa - animo'y babasaging kristal ang hawak nya.
Ilang beses ko syang nahuling nakatingin sa akin, pero siguro namamangha lang sya sa kawirduhan ko. Wahaha.
don't say bad words
Chat0,dkprn ngbbgo! Prng.. "tngina gago!" hehe
Sender: tamuneneng
24-May-06 08:39
Magmula yata nang magtapos kami ng kolehiyo ay hindi na kami nagkita nyang si Sheilla. Pero makalipas ang mahigit dalawang taon, ito lang ang nasabi nya. Malamang yan ang madalas kong masambit nung mga panahong lagi kaming magkasama.
Palamura akong bata. Pag meron akong komento, asahan mong may kasamang mura. Isa lang ang nabanggit sa napakaraming kumbinasyon - syempre depende yan sa sitwasyon. Minsan, "Gago, tanga", "Shit, tangina" o kaya "Bobo ampotah." Minsan naman sapat na ang isang bagsakan: "Shit", "Fuck", "Peste", o "Punyeta".
Pero hindi ko sinasadya ito; nasa buka lang talaga siguro ng bibig. Bihirang-bihira ako magmura ng may laman. Pag nangyari yun, ibig sabihin masama na talaga ang hangin, iba na ang timpla ng paligid. Pag nangyari yun, nandyan na ang pakiramdam na gusto kong magwala/magbasag/mambugbog. Delikado.
Bagaman hindi sadya, hindi ko rin ito ipinagmamalaki. Sa kagustuhang matanggal ang nasabing kaugalian, alam nyo bang nung high school ay nagkasundo kaming magbabarkada na bawat murang masabi ay P0.25 ang ibabayad sa kanila? Tatlo lang kami noon kaya kapag nagmura ako, P0.50 agad ang bayad, tig-P0.25 silang dalawa. Dati, P20.00 lamang ang baon ko sa araw-araw; malaki-laki pa ang halaga ng piso noon. Kaya isipin nyo na lang ang perang nalalaglag sa akin bawat araw. At ano'ng nangyari? Wala... ubusan lang ng baon ito.
Noong huling taon ko naman sa kolehiyo ay nasabi ko sa isang kaibigang sana, hindi na ako magmura. Buong akala nya ay birthday wish ko yun pero sa totoo lang nagbibiro lang ako (ibang kwento na naman kung bakit kailangan kong magbiro; walang kinalaman dito). Dala ng kabutihan ng kanyang puso ay lagi nya akong pinapaalahanan tuwing nagmumura ako. "O, nagmumura na naman..." "Akala ko ba hindi ka na magmumura?" "Chat, wala namang murahan..." Hindi naman ako naiinis dahil alam kong para sa ikabubuti ko rin ito; buti nga may kaibigan akong walang kapagurang magpaalala. Sabi ko tuloy sa kanya, kung susubukan namin ang gimik ko nung high school, hindi na nya kailangang manghingi ng baon sa mga magulang nya. Tiba-tiba na sya sa akin.
Ano'ng nangyari? Wala rin.
Wag mag-alala, hindi pa naman ako ubod ng samang tao. Kapag may mga bata sa paligid, o kaya'y kaharap ko ang paryentes o kung sinumang nakatatandang kamag-anak/kasambahay ng aking mga kakilala, maayos ang tabas ng dila ko.
Tangina gago.
nostradamuselle
Nakakatuwa yung
ESP test sa Tickle na pakana ni
Nez. Ayon dito, ang aking psychic strength ay
precognition: "the ability to look into the future and know ahead of time what is going to happen."
Ang iba pang psychic abilities na tinukoy doon ay:
Retrocognition: The ability to know what happened in the past.
Clairvoyance: The ability to "see" the unknown.
Remote viewing: The ability to see physical objects at a distance.
Telepathy: The ability to tune into others' thoughts.
Mahirap ipaliwanag pero minsan, ang tao, kapag kinutuban, bandang huli ay mapagtatantong senyales pala ito ng mga pangyayari sa hinaharap. Minsan nga kahit walang obvious na koneksyon ang dalawang bagay, magugulat ka na lang sa iyong malalaman.