Napulot ko po ito sa Love Radio habang nasa "bus na blue" papuntang Makati.
Kanina pa nakatitig sa 'yo ang lalaking nasa harapan mo. Ano ang gagawin mo para tumigil sya?
- Mangulangot ka. Bilugin ito sa iyong mga daliri, tapos ay pitikin mo papunta sa kanya.
Pag di sya tinablan...
- Magsuot ka ng shades at hingan sya ng limos, pati yung mga katabi nya.
Pag di pa rin tinablan...
- Tanungin mo sya kung bakit nya kinuha sa 'yo si Basilio at si Crispin.
Pag di pa rin tinablan...
- Pag-alis mo, sa halip na maglakad ay kumandirit ka.
Pero bago mo gawin lahat yun...
- Maghunos-dili ka! Baka hindi naman pala ikaw ang tinitingnan nya kundi ang katabi mo; sya pala'y some kinda banlag...!
Ohdiba na-memorize ko

Tawa nga ako ng tawa sa bus, dinagdagan pa kasi ng matunog na halakhak ni Nicole (yung DJ), kaya talaga namang nakakahawa. Nahihiya tuloy ako dun sa katabi ko. Hindi kasi sya maka-relate. Pasalamat sya't hindi ko hinanap sa kanya sina Basilio at Crispin
---
Text ko sa mga tao:
How gaga can you get?! I have an appointment @ 9am in Makati, and here I am, stuck in traffic... sa MORAYTA. Ten minutes to 9! Pero yoko na magpa-resked noh. Aja!
Matapos ang isang oras ay saka ko pa lang natagpuan ang aking sarili sa Ayala Avenue. Tsk. At tinawagan ko ang kumpanyang dapat na pupuntahan ko... gamit ang payphone na nakatirik sa gilid ng gusali nila. Isa na namang kagagahan, since nandun na ako. Ngunit nung mga panahong yun, naisip ko, parang mas may dignidad ang magpa-resked kaysa sumugod dun na tumatagaktak ang pawis.
Naayos din naman ang dilemma kong yun. At dahil ayoko namang umuwi nang wala man lang napapala, minabuti kong magpasa na rin ng resumé sa ilang kumpanya.
Company #1
Ito ang inuna ko dahil bukod sa pinakamalapit sa kasalukuyan kong lokasyon ay segregated rin ito doon sa dalawa pang kumpanyang target kong puntahan. Besides, hindi naman nag-iinterview ng walk-in applicants rito; iiwan mo lang talaga yung resumé mo at tatawagan ka na lang nila. So drop it now di ba. Get it over with.
Malaki ang building. Dalawa ang entrance nito na may kanya-kanyang front desk. Dun pala sa ikalawa ang nararapat kong puntahan, yung nasa bandang likod. Pagdating ko roon ay aking nadatnan ang dalawang babaeng naka-uniporme, 22-24 taong gulang, presentable ang hitsura. Abala sila sa pagkukwentuhan.
"Excuse me po, good morning," pasintabi ko. "Saan po ba magpa-pass ng resumé para sa
(name ng company)?"
Syempre'y natigil ang kanilang kwentuhan. Tiningnan nila ako mula ulo hanggang paa, at hindi pa nakuntento, tiningnan ulit ako mula paa hanggang ulo. Taas-kilay, nakaismid, pabalang na sumagot yung isa, "Twelve o'clock na... mamaya ka nang one umakyat sa 23rd floor." Tapos ay nagbalik sila sa pagkukwentuhan.
Syempre ay naasar ako. Madali pa namang mag-init ang ulo ko sa ganitong klaseng pakikitungo ng isa sa kapwa nya. Akala mo kung sino; mas matino pang kausap yung security guard sa labas ng building.
Teng ene neteng beteng te eh!
Ang masama pa noon, ilang sandali matapos ang aming pag-uusap ay merong banyagang lalaking nagtanong sa kanila kung saan ang reception area ng
(same company I am applying into). Halatang na-conscious ang mga kadalagahang ito, inipit ang buhok sa tenga at buong lambing na sumagot, "Twenty-third floor, sir..."
Hmpft... kulang na lang ay mag-"beautiful eyes" sya ah.
Hindi ko alam kung ano ang dahilan, bakit iba ang approach nila sa akin at doon sa foreigner, gayong pareho naman kaming naka-corporate attire at parehong magalang ang pagkakatanong sa kanila ng gusto naming malaman. Dahil ba dayuhan sya at ang perception nila rito'y "big time" ang nasabing tao, at ako'y isa lamang hamak na job-seeker, o dahil estrogen ang meron ako at hindi testosterone?
Inakyat ko pa rin ang palapag na kanyang binanggit. Salungat sa sinabi nya, may dalawampung minuto pa bago mag-alas dose.
Pagdating ko roon, at least tunay na tao na ang aking nakaharap.
Naku, pag naging boss nyo ako...
PAK! Get out of my building! 
Company #2
Nawala muna ako bago ko napuntahan yung tamang floor. May mezzanine chuva pa kasi sa building na ito eh... hehe... buti na lang Food Court yun, lunch hour pa, kaya hindi kwestyonable kung meron mang tatanga-tangang pakalat-kalat dun... hehe!
Kaya ako naligaw kasi magkaiba yung entrance at exit, tapos yung exit eh mahirap hanapin. Hindi mo naman pwedeng gamitin yung entrance para lumabas sapagkat ito ay escalator! Maraming pasikot-sikot sa nasabing Food Court, at wala talaga akong makitang labasan. Sa fire exit tuloy ako dumaan... hahaha...
Finally, I saw the light! 
Bwehehe. At ayun, mapayapa ko namang naibigay ang resumé ko dun.
Company #3
Inihuli ko talaga ang isang ito dahil malaki ang posibilidad na matagal ang ipaghihintay ko.
Oo, matagal nga. Grabe.
Habang nakaupo ako sa waiting room nila'y may pumasok na babae. Nagtama ang aming mga paningin. Hindi ko alam kung bakit sa sobrang gulat ko'y napaurong ako. Labis na pamilyar sa akin ang mukha ng nasabing babae.
Matapos kausapin ang gwardiya ng palapag na yon, umupo sya sa aking tabi. Mukhang tapos na sya sa screening sapagkat mayroon syang checklist ng mga requirements na kailangang isumite sa HRD, at ang mga dokumentong yun nga ang kasalukuyan nyang inaayos. Matagal ang sandaling lumipas bago sya muling tumingin sa akin at nagtanong, "Miss, ngayon ka pa lang ba nag-pass ng resumé?"
"Oo," sagot ko. "Medyo kanina pa nga yun eh." Pause. "Alam mo, pamilyar ka, ewan ko kung bakit."
"Nag-apply ka sa
(name ng isang company)."
"Ahaha! Oo nga, ikaw yung nasa front desk!"
"Oo. Tapos na kasi yung contract ko dun eh. Kelan ka ba nag-apply?"
"Tagal na, July pa yata yun."
"Ah oo, July, nandun pa ako."
"Hehe."
"Alam mo nung kaka-pass ko pa lang ng application, meron ding isang babaeng hindi nakatiis, tingin ng tingin sa akin."
"Hehe."
Sya si Judith. Nagkwentuhan kami. Wala lang, nakakatuwa. Sya yung tipong makakagaanan mo talaga ng loob. Pleasing personality?! Hehehe
Buti na lang nandun sya dahil dalawang oras akong naghintay bago mapag-alaman ang schedule ng exam ko. Kahit na mas matagal pa rin ang ipinaghintay ko (tinawag na kasi sya nung HR Officer kaya naiwan na naman akong mag-isa) kaysa dun sa panahong nagkwentuhan kami, at least naaliw naman kaming pareho.
So I should be there on Monday at 9am.
Hindi na ako male-late, pramis...
---
Last episode ng Attic Cat kagabi... hay!

Ka-text ko nga nun si
Teacher Nheenia, pano'y nag-uumapaw ang aking excitement. Pigil-hininga kong sinubaybayan ang bawat tagpo... napangiti ako nang sinabi ni Dominic, "May alaga ka nga palang pusa." (hmm... can relate?!

). At grabe, nakakaiyak talaga nang dumating si Kevin sa dati nilang bahay at nadatnan dun si Noreen... ang galing kasi nung facial expression ni Kevin nun, damang-dama ko yung mixed emotions... hehe
Medyo bitin lang nung bandang huli dahil nauwi na naman sa komedya ang katapusan ng kwento. Pero ika nga ni
Teacher Nheenia, OK lang yun, happy ending naman eh.
"I love you na nga...!"