Yan ang bansag sa akin sa office. Minsan, "matandang dalaga." Ako ang pinakabata sa kanila, oo, pero ganyan kung ako'y kanilang tawagin. At hindi lang dahil wala akong boypren sa kasalukuyan.
Masungit raw kasi ako. Mabait naman, ngunit kapag wala sa mood, mainitin ang ulo (eh kaya nga wala sa mood eh... iinit ba ang ulo mo kung nasa mood ka?! !@#$%^&* ka pala eh!

). Masyado rin daw akong "magaling", kaya nag-aalangan na ang mga kalalakihan upang ako'y lapitan. Baka raw kasi hindi pa nila ibinubuka ang mga bibig nila, barado na agad sila. Hindi ko man lang raw bigyan ng chance ang mga mortal na ito.
Bakit, ano ba ako, diyos?! Kahit kaila'y hindi ko naisip na ganito pala ang tingin sa akin ng mga nasa paligid ko. Hindi naman ako mahirap kausap - ang friendly-friendly ko nga eh

Kahit sino, welcome na kausapin ko. Naniniwala akong mas magandang pagbasehan ang mga ideya ng isang tao kaysa kung anupaman.
Kung kilala mo ako, alam mong mababaw lang ang kaligayahan ko. Simpleng bagay ay nagagawa kong katatawanan. Ika nga ni Ate Cha, basta ba hindi below sea level ang IQ mo, magkakasundo tayo.
---
Tuwing mag-uusap kami ni Tupe at napagkukwentuhan namin ang kanyang malapit-nang-maging-masaganang-luvlyf, hindi ko maiwasang mag-drama at sabihing "Mami-miss ko kayo..."
Ito ang hirap kapag naturingan kang "one of the boys" at sa isang iglap, lahat sila ay may kanya-kanya nang "pinagkakaabalahan" sa buhay.
"Ano ka ba, nandito lang ako. I'm just a text or call away," pangungunsula nya.
Weh talaga lang.
Hindi naman sa hindi ako naniniwala sa kanya, at iniisip kong sinasabi nya lang ito para manahimik na ako. Alam ko namang hindi sila mawawala eh, at masaya ako para sa kanila. Ngunit aminin na nating sa ayaw nati't sa gusto, meron at merong magbabago pag nagbinata na ang mga kaibigan mo.
Sa totoo lang, nararamdaman ko na nga yan ngayon. Wala nang nanggugulo - walang nambubulahaw pag madaling-araw, walang nagfa-flood ng inbox hanggang mag-hang ang telepono ko, at mahirap nang makipag-usap dahil "maya na kausap ko si ____!"
"Mag-boypren ka na kasi," pamimilit ni Tupe.
Tawa o mura lang ang isinasagot ko rito. Sa totoo lang, nakakalungkot minsan. Pero alam kong hindi ganun kadali yun, dahil hindi rin naman "panandaliang-aliw" ang hanap ko. Gusto ko, yung totoo, yung seryosohan na talaga. Kaya wag na tayong mag-aksaya ng panahon kung tayo ay maglolokohan lang pala.
May nagsabi sa aking hindi naman kailangang sa una pa lang ay mahal na mahal mo na yung tao; nade-develop raw yun. Basta raw ba matino sya at may malasakit ka sa kanya, at ganun rin naman sya sa iyo, OK na raw yun. Lagi ring karugtong nito na dapat mas mahal ka nung lalaki. Madali lang raw naman kasing ma-develop (utuin?) ang babae kapag sinuyo mo; yung lalaki raw, kapag ayaw sa 'yo, kahit ano'ng gawin mo, wala kang mapapala.
Kaya... play it safe! Collect lang ng collect!
I never did believe that love consisted of playing safe.
---
Madalas ko ring maisip na wala akong panahon para rito. Marami akong gustong gawin at pakiramdam ko, napakalaking restriksyon lang nito. Nakakapagtaka nga, pagkat nung unang panaho'y nakipagdebate pa ako sa isang kaibigan - "sagabal sa pag-unlad" raw kasi ang pag-ibig. Romantiko pa ako nun - sabi ko, hindi ito hadlang, bagkus ay nagsisilbi pa ngang inspirasyon, at dahil sa pagmamahal na ito, kakayanin mong gawin kahit ano.
Hindi ko alam kung bakit nagbago na ang pananaw ko samantalang kaunting panahon lang naman ang nakalipas magmula noong partikular na pag-uusap na yun. Marahil ganun talaga kung ika'y nakapagtrabaho na. Marami kang makikitang posibilidad - mga dating pangarap na pwedeng abutin, at mga bagong ambisyong magkakaron pa lamang ng hugis.
May epekto rin siguro kapag alam mong hindi ka pa handa, lalo't may mga pangyayaring hindi mo pa lubusang natatanggap o mga taong hindi pa nakakalimutan. Mahirap nga namang magsimula kung may parte sa buhay mong hindi mo maisara-sara.
---
Hindi naman ako lubusang pinagdamutan ng tadhana. Nagkaroon na rin ako ng boypren noon, at sandamakmak na boylets

Kaya lang ngayon, wala talaga.
Ang prediksyon sa akin ni Tupe ngayong 2005, magkakaboypren na raw ulit ako.
Kalahating taon pa lang. Malay mo naman, magkatotoo...
Pero sa ngayon, ang tanging masasabi ko...
darating rin yun.