Araw-araw ko syang kasama, pero wala lang. Mabuti ang pakikitungo namin sa isa't isa, pero hindi yung tipong masasabi mong malapit. Mabait syang bata, lalo na nitong mga nakaraang araw. Tuwing kukuha ako ng gamit para sa grupo ko, lagi nya akong binibigyan ng ekstra. Wala yun sa akin; ang nasa isip ko lang ay pasasalamat. Hanggang dumating ang sandaling yon.
Me: Froi, nasan yung clearbook na may training modules at answer keys?
Froi: (mukhang nalito) Huh?
Me: (tamang-tama, lumabas si Ryan sa inner office) Ry, yung clearbook ng answer keys, na sa 'yo?
Ryan: (turns to Froi) Di ba binigay ko sa 'yo?
Froi: Teka, andito sa ilalim ng table ko... (sabay halungkat sa files nya)
Froi: (inabot sa akin ang clearbook) O, eto na.
Me: (tiningnan kunwari ng masama si Froi) Nampotakteng buhay...!!
Ryan: Wag kang magmumura ha... masama yun...
Napatingin ako sa kanya. Napatitig ako sa mata nya. Nakangiti pa sya. Tumigil ang mundo; naglaho bigla ang kapaligiran. May kumalabog, pero tingin ko ako lang ang nakarinig... puso ko yata yun ah. SIYET.
Sa lahat ba naman ng pwedeng sabihin, yun pa. Lalo tuloy akong napapamura.
Downloading... 10%
Magmula nun... ewan ko ba. Hindi ko lubusang mailarawan pero alam ko, may nagbago sa akin. Hindi ko nga lang ito masyadong binigyang-pansin; marami pa akong ibang bagay na dapat unahin at pagplanuhan, lalo ngayong parating ang mga auditors para magmasid sa amin.
Downloading... 25%
Ngunit habang nagdaraan ang mga araw, parang ang hirap nang balewalain. Lalo na kung likas na sa kanya ang pagiging maalalahanin. Yun bang kapag oras ng tanghalian ay hindi na pumalyang magtanong kung kumain ka na ba. May pahabol pa yan sa oras ng uwian, "O, baka hindi ka na naman kumain ha..." "Uy, OK ka lang ba?" "Anong oras kayo nakauwi kagabi?... Kala ko dito ka na naman natulog... parang yan din yung suot mo kahapon ah... hehehe..." Minsan nga'y walang mga salitang binabanggit, ngiti lang... ngiting nakakapagpagaan ng aking loob; parang ang buong araw ay nananatiling isang magandang umaga.
Downloading... 45%
Nagkaroon ng reshuffle sa opisina. Yung mga agents ko ay mapupunta sa ibang team leaders; mapapalitan rin sila ng agents mula sa ibang teams. Ngayon lang nagkaroon ng ganitong arrangement sa buong kasaysayan ng Pygmalion. At dahil sobrang malapit ako sa mga tao ko, ang sakit sa 'kin nun. Pagdating ng uwian, sumugod ako sa Megamall at bumili ng token para sa kanila. Binalak kong ibigay sa kanila yun bago sila mag-lunch break kinabukasan; yun na ang huli naming meeting. At dahil isa nga yong sorpresa, sa reception area ko pinatago ang nasabing mga kagamitan. Baka may makakita nun sa cubicle ko at kalkalin, mahirap na.
Kinabukasan tinanong niya ako kung ano ang gagawin ko sa mga unan na yun. Ngumiti lang ako. "Wala lang; sa agents yan."
"Ibebenta mo?"
"Hindi noh, bigay ko yan."
"Ang sweet mo naman..."
"Hahaha..."
"Ako rin, bigyan mo."
"Hahaha... sira..."
"Bigyan mo 'ko ha."
Dalawang linggo yata nya akong kinulit dyan. Nalito pa nga ako kung ano ang gagawin ko eh. Wala namang kaso yung gastos eh. Pero para bigyan ko sya ng remembrance? Uhmm... hindi kami close noh! Pero di ba nga... uy, kras...
Ang parinig nya sa akin: "Ang sarap talaga matulog... lalo na kung malambot yung unan."
Minsan dinidiretso ako: "Uy, yung unan ko?"
Minsan ibang tao pa ang nagsasabi: "Yung unan daw ni Mambo, nasan na?"
Tawa lang ako.
Yun lang naman ang pwede mong gawin pag di ka na makapagsalita eh.
Downloading... 75%
Medyo nanibago ako nung sumunod na mga araw. Aba, at hindi na ako kinukulit! O Diyos ko... bakit??? Pero... hayaan mo nga sya!
Hanggang sa may bumulong sa akin: "Uy, may chika ako sa 'yo."
"Ano?"
"Tungkol kay boylet."
"Uh... sinong boylet?"
"Tangina mo... ang dami mo kasing lalake kaya di mo na malaman kung sino eh! Si Ryan!"
"Ah. O ano?"
"Hindi ko alam kung makakaya mo..."
Kinabahan ako bigla. "Nyeta... wag mo na ngang sabihin... noooooo...!!"
Tawanan.
"Ano, sila na ni Tau?" Yung lagi nyang kaharutan.
"Hindi si Tau."
Shit. "Sino?"
"Agent ko."
"Ha? Sino?"
"Yung maputi."
"Turo mo sa akin mamaya."
Matino yung babae. Tahimik lang sya kaya hindi ko mapagtanto kung bakit at paano nagkaroon ng lakas ng loob itong si boylet na manligaw. Hindi naman naghahalo ang agents at staff noh.
Higit pa roon... di ba may girlfriend sya???
As in hindi pa sila break. As in alive and kicking ang relasyon nila.
Akala ko pa naman tapat sya sa girlfriend nya. Akala ko pa naman hindi sya makabasag-pinggan. Akala ko iba sya sa karaniwan. Akala ko...
Gago yung lalaking yun ah.
Turn-off.
Abort, Retry, Fail?
Nagpatuloy sa pagporma si boylet. Balita ko, hinahatid na nya yung babae. Hindi ako nakikialam dahil ano nga naman ba ang pakialam ko?
Nung isang linggo, may tumawag daw kay babae. Kaboses ng isa naming officemate; nagpapakilalang fiancé ni boylet. Layuan na raw ni girl si boylet, kundi'y magkakagulo. Nasa paligid lang raw si fiancé kaya mag-ingat-ingat raw si girl.
Duh... may fiancé sya rito sa office?
In the first place, hindi naman yung babae ang lumalapit kay boylet noh. Dapat alam nya yun kung totoong nasa opisina lang sya. Gaga ba sya?!
At ang nakakatawa pa, tinanong ni boylet si girl kung may tumawag ba sa kanya.
Eh di naisip ngayon ni girl, seryoso ba talaga itong lalaking 'to? Parang pinaglalaruan lang sya, ah.
At naisip ko naman: Tangina, buti hindi ko sya binigyan nung unan. Mag-feeling pa sya dyan.
The download has been cancelled.