(c) 13 April 2004 - 28 April 2004
Prologue
Noong second year college ako, bumagsak ako sa Fundamentals of Accounting, o yung tinatawag na Acctg 1A&B. Hindi ko na idedetalye kung paano nangyari yun, kasi iba at mahabang usapan pa yun. Basta ang masasabi ko lang, naging instrumento yon para mabago ang direksyon ng buhay ko. Paano? Sige, basa.
Napunta ako sa PM session noong sumunod na taon, nung magme-major na ako (masakit mang isipin at ayaw man nilang aminin pero tingin ko, dahil yun sa naging deficiency ko. Syempre lahat "daw" ng matatalino ay nasa AM sections. Pero lumilihis na naman ako sa usapan). Isang araw, nakita kong may sinasagutang papel yung kaklase ko. Syempre FC (feeling close) naman ako, tinanong ko sya kung ano yun. Application form pala yun para maging isang student assistant.
Nananalaytay pa naman sa dugo ko noong mga panahong yon ang paghihimagsik. Bitter kasi ako noon, kaya sumumpa ako sa sariling patutunayan kong hindi porke bumagsak ka, wala ka nang kwentang tao. Kahit may deficiency ka noon, tapos PM ka pa ngayon, may potensyal ka pa ring umunlad. Kaya nagtungo ako sa Office for Student Admissions (OFAD) ng aming unibersidad para makakuha rin ng nasabing application form. Doon nagsimula ang lahat.
* * *
Isa akong magalang na bata pagkuha ko nung form… isinuot ko pa talaga ang ID ko bago ako kumatok sa pintuan (nasa bulsa lang kasi lagi… hehehe

)! Mabuti na lamang at noong araw na yun ako kumuha ng form, kasi kinabukasan pala ang huling araw ng pagpapasa ng requirements.
Namrublema pa ako sapagkat yung kasabay kong si Agnes ay mukhang magba-backout. Alam mo naman tayo, may tendency na umayaw sa pagsubok ng mga bagong bagay kung wala kang kasama. Pero ayaw ko talagang palampasin ito! Kaya naman mega-pilit ako sa kanya. Sa kabutihang-palad ay sinamahan pa rin nya ako.
Ngunit hindi pala roon nagtatapos ang mga balakid sa pag-unlad. Kasabay ng interview ko sa OFAD ang qualifying exam para sa The Executives (publikasyon ng Junior Chamber of Business Administrators ng UST) na nais ko ring salihan. Ayaw ko namang pagsabayin; baka hindi ko magampanang mabuti. Naisip ko, pwede pa rin naman akong magsulat kahit hindi ako staff ng org publication di ba? So pinili ko ang OFAD.
Nakakatakot! Parang ang taray ng interviewer! Pero nilakasan ko na lamang ang aking loob, at medyo nagpatawa pa ako. Sabi ko nung tinanong nya ang aking edad, "Seventeen going eighteen." Korni, pero at least napangiti sya
Sa katapusan ng linggo, ipinaskil nila ang listahan ng mga nakapasa, pati ang schedule sa darating na linggo (July 1 to 6). Aba, aba, aba… may sched agad ako. Maganda ito.
SAs in Action
Naaalala ko pa noong kasagsagan ng application sa Education Building. Abala ako masyado sa pag-eencode, pagpi-print at pagreresibo ng entrance exam permits, kaya wala akong kamalay-malay sa mga nagaganap sa aking kapaligiran. Akin na lamang napagtanto na may kung anong nakalawit mula sa manggas ng aking uniporme. Pagtingin ko… o, anong kahihiyan! Natanggal pala ang strap ng panloob ko.
Nagkatitigan kami ng lalaking kasalukuyang kumukuha ng permit. (Buti sana kung sya ay isang inosenteng aplikante, ngunit hindi! Mas matanda sya sa akin ng isa o dalawang taon - kapatid yata nya yung incoming freshman - kaya lalong nakakahiya.) Nagpalipat-lipat ang aking mata sa kanyang mukha at sa nakalawit kong strap. Medyo napangiti sya habang sinasabing, "OK lang yan."
Diyos ko, batid nya ang kalunos-lunos kong kinalalagyan! O, hindi!
Tinawag ko ang aking kasamang si Karen para pansamantalang ituloy ang aking ginagawa (buti na lang may katuwang ako noon, hindi ba? Isipin mo na lamang kung mag-isa lang ako noon!), sabay takbo sa CR.
Wala pang isang minuto, balik-trabaho na ulit ako, na para bang walang nangyari.
DARNA!!!
* * *
Masalimuot ang buwan ng Enero para sa akin. Dumadalang na kasi ang pagpasok sa trabaho ng ilan kong kasama, lalo na kapag umaga. Ang resulta? Mag-isa akong pinapapunta sa Education Building.
OK lang yun; hindi naman ako maarteng tao ("barubal" pa nga, hindi ba?). Medyo nakakahiya lamang kasi nakauniporme ako ng puti at nakatakong, mukha akong kagalang-galang, pero heto ako't nagtutulak ng trolley! Ang laman ng trolley ay ang mga sumusunod: isang kahong ang nasa loob ay blank permits, viewbooks, flyers, application forms, resibo, paper clips, staple wires, staplers, ballpens, at bote ng insect spray kasi malamok (pwede ring sandata ito kapag may nagtangka sa buhay mo roon); at isang maingay na cashbox.
Maingay po sya, opo! Bawat paggulong ng trolley ay meron syang tunog. Kahit gaano ko pa dahan-dahanin ang pagpapatakbo ng trolley, ayaw pa rin nyang tumahimik. Nasanay din ako pagtagal ng panahon, ngunit… o Diyos ko!
Natapat pa ang pagpapatakbo ko ng nasabing trolley twing alas-otso ng umaga at alas-dose ng tanghali. Alas-otso, papasok ang mga estudyante; alas-dose, palabas naman sila para mananghalian. Hindi lamang miminsan akong natitigan ng ibang estudyante (karamihan pa'y lalake! Yikes!) at nangitian na hindi mo malaman kung natutuwa ba sila o nanlilibak (hehe paranoid!

)
At kapag sinusuwerteng wala akong pasok, syempre ako ulit ang toka sa Educ para sa afternoon shift.
Sige, tulak lang ng tulak!!! Matututunan mo rin ang sining ng pagpapatakbo ng trolley!!!
* * *
Hinding-hindi ko makakalimutan noong naging cashier ako at encoder naman si Peah (sya yung nabanggit kong sumasagot sa application form na kaklase ko; sya ang naging daan kung paano ako napasama sa magulo at madamdaming mundo ng OFAD

). Kung tutuusin, mas madaling magresibo kaysa mag-encode; ano nga lang ba naman ang pagreresibo kung ikukumpara mo sa pagta-type ng impormasyon ng aplikante? Bukod sa marami kang fields na kailangang kumpletuhin, dapat mo ring siguraduhing tama nga ang impormasyong nailagay mo. Yun kasi ang lalabas sa lahat ng records ng estudyante hanggang sa pagtatapos nya sa UST, kung mapagdesisyunan man ng tadhanang doon sya magpatuloy ng pag-aaral. At dahil nga mas mabilis ang proseso ng pagreresibo, natabunan tuloy si Peah (sorry Peah!

)
Meron tuloy nanay na nagreklamo. Ang bagal daw ng proseso. Naiinip na raw sya.
Hindi na ako nagsalita dahil baka lalo lamang magkagulo. At saka marami naman talagang naghihintay kaya normal na ang ganitong reaksyon. Pero hindi ko kinaya ang sumunod nyang banat: "This is not a good school!" Tapos ay ikinumpara pa kami sa ibang eskwelahan.
Aba, aba, aba… hindi na yata makatarungan yan. Eh di dun ka sa mga school na yon mag-apply! (joke lang, hindi ko sinabi yun no, kahit gustong-gusto ko. Hindi naman ako bastos, at kung gagawin ko yun, lalabas lang na may katotohanan ang sinasabi nya. Ayaw kong dungisan ang pangalan ng aking paaralan).
Marahil sa pagkakataong ito ay kinulang nga kami sa bilis at sa kasamaang-palad ay natapat pa sa kanya, ngunit wala syang karapatang sabihing hindi magandang eskwelahan ang UST, lalo pa't ginagawa naman namin ang lubos ng aming makakaya upang makapaghatid ng maayos at mabilis na serbisyo. Ang nasabi ko na lamang habang nagde-detach ng isang permit sa printer (at nanginginig-nginig pa ako dahil sa lahat ng ayaw ko ay yung iniinsulto ang Alma Mater ko!), "This is the Pontifical and Royal University of Santo Tomas!!!"
Mayroon doong isang estudyante rin ng USTe, na nakarinig sa mga nasabi nung galit na nanay. Mas matagal pa nga ang ipinaghintay nya kaysa doon sa nanay na yon, pero natuwa ako nung sinabi nya, "Wag kayong makinig sa kanya. Maganda itong school natin!" (at kaharap nya yung nanay nung sinabi nya yon ha!)
Naantig ang puso ko noon at napangiti ako bigla. Ako pa nga'y naluha. Nakakatuwa naman… isang Tomasinong sumusuporta sa kapwa Tomasino. Binigyan nya ako ng pag-asa, kahit hindi naman kami magkakilala (although natatandaan kong naka-uniform sya ng Pharmacy).
Sa kanyang pag-alis ay tinawag ko syang muli, "Miss!"
Lumingon sya.
"Thank you!," sigaw ko.
Thumbs-up ang isinagot nya sa akin, sabay kindat.
VIVA SANTO TOMAS!!!
* * *
Bukod sa mga purong Noypi, may mga aplikante ring foreigner. Malamang hindi sila marunong umintindi ng ating pambansang wika; yung iba nga, pati Ingles ay hirap umintindi! Pero para safe, mag-Ingles ka na lang.
Hindi naman talaga big deal ito, kaya lang minsan nakakailang kasi nasanay na akong sa Filipino o Taglish magpaliwanag. Eh mas marami pa naman akong kailangang ipaalam sa mga banyagang ito sapagkat may karagdagang papeles pa silang nararapat isumite bago maproseso ang kanilang examination permits. (Naku, dito masusukat ang iyong "communicative skills in English"!!! Yikes…!)
Minsan ay nakasama ko si Dave sa Educ, tapos ay merong nag-inquire na Koreano. Hirap yung aplikanteng sabihin kung ano ba ang kanyang nais gawin. Sabi ko kay Dave, sya na ang kumausap kasi baka matawa ako habang nagpapaliwanag at ma-misinterpret ito nung tao. Sumang-ayon naman sya.
Nangingiti ako habang pinapakinggan ang dalawa. Halos hindi kasi sila magkaintindihan. Pero maayos namang natapos ang kaganapang ito, sa awa ng Maykapal. Pag-alis nung Koreano, natawa ako ng ubod-lakas.
Ang sama ng tingin ni Dave sa akin…
* * *
Second year of operation: Beato Angelico Building. Huwaaw!!!
Sa totoo lang, mas maganda sa Beato kaysa sa Educ, lalo na nung ipinahiram sa amin yung gallery. Sa Educ: mainit, malamok, walang sariling lalagyan ng gamit kaya araw-araw mong dadalhin nang pabalik-balik ang mga gamit (sakay ng lintek na trolley!). Sa Beato: aircon, walang masyadong lamok, may set ng drawers para sa mga "props" (susi na lang ang kailangan mong dalhin, hindi na trolley!), maluwag pa kaya maaaring lagyan ng mga upuan, hindi nakatayo ang mga naghihintay (at hindi rin ganun kabilis uminit ang kanilang mga ulo… ohdiba!).
Medyo nahirapan din kami kasi sa ikalawang taon ng operasyon ay may bagong patakaran: ang mga aplikante (o representatives nila) mismo ang kailangang mag-input ng applicant information sa computers. Ang sistemang ito ay ipinatupad para walang masyadong mali sa impormasyong ipinapasok, tutal mas kilala naman nila ang aplikante kaysa sa amin. Ngunit syempre hindi naman lahat ng taong pumupunta doon ay computer literate! Kaya naman ginagabayan namin sila sa pag-eencode. Yung iba ay cooperative naman, pero yung iba ay nagagalit at nagtatanong kung ano ba ang silbi naming mga SA doon kung sila rin pala ang mag-eencode.
Ito ang eksaktong mga salitang binitiwan ng isang nanay noon. Ang sakit nga sa tenga eh. Pero lalong masakit kasi sumusunod ka lang naman sa patakaran, tapos ito pa ang sasabihin sa 'yo, eh para namang may magagawa ka bukod sa turuan na lang sya! Mukha naman syang computer literate… naghihinarte lang.
Sa sobrang galit nung nanay na yon ay humingi pa sya ng survey form na malugod ko namang ipinagkaloob (at nakangiti ko pa syang pinahiram ng panulat! Oha, san ka pa??). Kinuha nya ang pangalan namin ni Mike, tapos isinulat doon sa form (Ang diin nga nyang magsulat; akala ko babakat dun sa mesa ang mga sinulat nya). Nung nakita nyang hindi naman ako natitinag, parang nagdalawang-isip sya kung may saysay ba talaga ang kanyang ginagawa. Pero sabi ko na lang, "Ma'am, sa Main Building po ang office namin, yung building na may tower sa itaas. Room 101, first door to your right. Kay Ma'am Ann Vargas nyo po yan ibigay. Sya ang director namin."
Pag-alis nya ay tumawag ako sa opisina. Sinabi ko lang na merong nanay na papunta doon, at "expect the worst." Mahirap na, baka mawindang naman sila kapag may sumugod doong may dalang bolo ni Bonifacio. At least naihanda man lamang nila yung insect spray, walis tingting at jumbo staplers kung meron mang mag-amok sa labas.
Hindi muna ako nagkwento sa kanila pagdating ko sa headquarters. Mauna syang maghinga ng sama ng loob. Saka na ako magpapaliwanag pagkatapos nya. Hinintay ko sya; ang tagal namang dumating. Gutom na gutom na ako kaya masaya muna akong nananghalian.
Ngunit hindi sya dumating. Gusto ko tuloy hanapin; baka naligaw. Pero umuwi na yata sya. At hindi na nagbalik magpakailanman.
* * *
May nakakatawa nga palang nangyari sa Beato. Maski administrasyon ng Architecture at CFAD ay hindi ito makakalimutan.
Mayroong mag-inang nag-asikaso ng application. Wala namang naging problema sa proseso; ang bilis nga nilang natapos eh. Paglabas nila ng pinto, nagtaka ako kung bakit kumaliwa sila gayong kanan ang daan palabas. Wala naman silang mapapala sa left side dahil may pinto man doon, naka-lock naman. Saka kahit naman bukas yun hindi pa rin sila makakalabas papuntang gate ng school, may bakod kasi. Susundan ko na sana sila nang biglang….
CCCRRRRRAAAAAAAAAAASSSSSSHHHHHHHHH!!!!
Napatakbo ako bigla sa labas. Ano ang nangyayari??? Sinusugod na ba tayo ng mga terorista??? Katapusan na ba ng mundo???
Diyos ko, nabasag nung mag-ina ang pintuan ng Beato! Pinagpilitang buksan kaya ayun…
Hiyang-hiya ako nang bumaba sa ground floor yung dean ng CFAD. Yikes. Hindi na ako magtataka kung hindi na kami papayagan doon next year…
* * *
Uso ang pag-oovertime sa opisina lalo na kapag malapit na ang mga eksamen (madugo lang naman kapag first exam; the rest, OK na). Meron pa ngang mga pagkakataong 10:30 o alas-onse ng gabi na ako nakakauwi. Pero kahit nakakapagod, masaya. Pati kasi hapunan ay sabay-sabay kami ng mga kaibigan ko. Libre pa…
Sa pasilyo ng Main Building kami kumakain, o kaya sa hagdan. Hindi pwede sa loob ng opisina kasi baka magkalat kami at dagain; good luck na lang pag nagkaganun kasi puro papel ang laman ng aming tanggapan.
Isang gabi ay nagkakwentuhan ng nakakatakot. Ayaw ko sanang makinig dahil isa talaga akong matatakuting tao. Maya-maya'y napalingon ako sa may bintanang nakaharap sa isang maliit na hardin (kung hardin mo nga iyong matatawag).
Ano yun? Bakit may nakaputing naglalakad?
Sa sobrang takot ko, napatayo ako. Sa pagtayo ko, nalaglag ang gravy ko, na tumapon naman sa bulletin board na tinatapos ni LA. Isa iyong mapa ng UST na magsisilbing gabay sa mga kukuha ng pagsusulit bukas.
Malamang responsable ako sa kaganapang iyon. Ang hirap pa namang punasan nung gravy kasi hindi pa tuyo yung pintura sa bulletin board!
At syempre kailangan kong basain ang gagamitin kong basahan para mas malinis ang pagpunas, at banlawan iyon pagkatapos upang magamit pang muli. Para magawa yun, kailangang mag-CR ako. At alas-nuwebe na yata noon! Main Building pa!
Nagpasama na lamang ako sa isang kaibigan. Ngunit ayaw din nyang pumasok ng CR! Eh di pinahawak ko na lang sa kanya yung pintuan para kung sakali ay hindi naman ako makulong sa loob ng palikuran at mag-isang paglaruan ng kung anong espiritu!
Nakakainis nga, kadulu-duluhan at kasuluk-sulukan pa naman ng CR yung lababo! Tapos noon, mga cubicle. At isang napakahabang salamin bago ka tuluyang makalabas.
(Umiwas nga ako ng tingin sa salamin nung mga sandaling yon eh. Mahirap na, baka may masilayan pa akong kakaiba at hindi ko kayanin.)
At alam nyo ba kung ano yung nakaputing nakita ko? Security guard na naka-shirt lamang; hindi nya suot ang kanyang uniporme. Inis na inis nga ako. Meron naman kasing maliwanag na corridor, kung bakit gusto pa nyang sa dilim maglakad!
* * *
Hindi ko na matandaan kung noong gabi ring iyon nangyari ang susunod kong kwento; basta ang naaalala ko, bilog ang buwan noon. Uwian na; kasabay ko sina Kristin at Erwin palabas ng campus. Nagkakatakutan na naman at sadyang maloko itong si Erwin, talagang dun pa sa kalagitnaan ng Lovers' Lane gustong dumaan! Napapalibutan pa naman ng matatandang puno ang lugar; para itong gubat. Hindi lamang yon; mahaba-haba pa ang landas na aming tatahakin bago marating ang España gate, at wala pang masyadong ilaw! Pero pumayag na rin kami ni Kristin; trip-trip lang naman eh.
Ang mahabang daan na aming binabagtas ay parang hindi yata umiikli, bagkus ay lalo pang humahaba ang panahong aming ginugugol doon. Hindi na namin kinaya ang kabang nadarama; sumisigaw kaming tumakbo. Muntik pa akong maiwan dahil ang bilis nung dalawa, pwedeng pambato sa Olympics! Pero kumapit ako sa mga bag nila para hindi nila ako matakasan…
Humihingal kaming tatlo pagdating sa may Arch of the Centuries. At least dito may ilaw na. Ngunit hindi pa kami nakakabawi ng hininga, biglang namatay lahat ng ilaw! Takbo na naman kami. Konting tiis na lang naman, kasi ilang metro na lang ang layo ng tarangkahan.
Nakasakay naman kami agad. Buti na lang. Ayaw ko nang tumakbo ulit.
Nakailang basong tubig ako pagdating sa bahay.
* * *
Lumipat naman tayo sa mismong mga araw ng exam. Last year ay hindi ako naging examiner, ngunit sa taong ito, napasabak ako sa labanan. Sa Commerce Building ako nadestino.
Syempre ay nakangiti ako habang binabati sila: "Good morning!" Dito magsisimula ang hinaharap ng mga batang ito. Maganda ang sikat ng araw. Humuhuni ang mga ibon at…
Ay sus! Na-trauma ako. Halos mawalan ako ng pag-asa habang kaharap ang pag-asa ng bayan. Naisip ko pa nga, baka hindi ako episyente, o kung anupaman. Ngunit kahit saang anggulo ko tingnan, hindi naman ako nagkulang. Totoo siguro yung sinasabi ng mga matatanda; iba na ang mga kabataan ngayon.
Nung lunch, sabi ko kay Ma'am Ria, ayoko na. Pero syempre para namang meron akong pagpipilian! Saka kahit paano ay maswerte na raw ako. May mga kasama akong mas kahindik-hindik pa ang dinanas kaysa sa akin. Eh di nag-proctor pa rin ako nung hapon.
Hindi naman mukhang nakasinghot ng katol yung mga examinees noong hapon; nasobrahan lang siguro sa Red Bull yung pang-umagang batch. May naging crush pa nga ako eh… hehehe! :p Hindi ko nga lang natingnan kung nakapasa ba sya o ano. Pero kahit papano pinaganda nya uli yung nasirang araw ko.
* * *
Nung mga sumunod na araw ng pagsusulit, may nahuli akong nangongopya. Pumunta ako sa may pwesto nila nung kaututang-dila nya. Gusto ko lang syang bigyang-babala. Pero ang tigas ng mukha! Nasa harapan ko na, bumubulong pa rin sa katabi!
Nginitian ko sya, tapos sabi ko, "Ano?"
Napangiti na lang rin sya. Alam nyang nahuli ko na sya.
Sayang. Maganda pa naman (as in muntik na akong maging instant lesbiana sa ganda nya!). Hindi ko na sasabihin yung pangalan nya, pero sa Malolos sya nag-aaral. At uulitin ko, GRABE ANG GANDA NYA!!!!
Pumasa kaya sya?
Kung pumasa man sya sa test, hindi pa rin ako kumbinsidong karapat-dapat syang dito mag-aral. Hindi ako nagmamalinis o anupaman, pero nasaan ang karakter doon? Simulang-simula pa lang, nandaraya ka na. At hindi ka rin lubusang masisiyahan pumasa ka man, kung alam mong hindi yun bunga ng sarili mong pagsisikap. Ewan ko lang sa iba; basta ganun ang paniniwala ko.
* * *
Bukod sa UST campus, nagbibigay din kami ng pagsusulit sa mga kung tawagin ay Provincial Testing Centers (PTC). Marami-rami yun, pero minsan lang ako nakasama: sa Tarlac. Nataon kasing Christmas vacation noon; hindi ko na kailangang lumiban sa klase para lang makasama.
Alas-kwatro pa lamang ng umaga ay nasa eskwelahan na ako. Dahil may Simbang Gabi, bukas lahat ng ilaw, at natigilan ako sa gandang nakita ko.
Ngunit ang kagandahang yon pala ay "calm before the storm." Nagkaroon kami ng konting problema sa sasakyan; kinailangan naming mag-commute. Dalawang taxi ang naghatid sa amin sa istasyon ng bus.
Philippine Rabbit: ang pambansang hayop ng Pilipinas. Wag mong tangkaing dikitan; nakamamatay.
Tabi kaming lahat sa likod ng bus. Sobrang ingay namin (actually, AKO lang… hahaha

). May pagkakataon pa ngang napasigaw ako; nabulabog tuloy ang buong bus. Buong akala ko'y sisipain na kami palabas… para akong hindi taga-Ateneo (hehehe

).
In fairness tumahimik na ako noong nasa Pampanga na. At ayun, narating din namin ang Tarlac. Hindi ako makapaniwalang may mga tricycle driver na magsasamantala sa amin sapagkat halatang mga dayo lamang kami. Kwarenta pesos ba naman ang sinisingil gayong ang tunay na presyo ng pamasahe ay sampung piso lamang! Buti na lang at nandun si Marian (na nagkataong taga-Tarlac) kaya hindi naman kami masyadong nautakan. Dinagdagan lamang namin ng konti ang bayad kasi mabibigat ang dala naming kahon.
Nakakahiya nga paano pagdating namin, lahat ng tao ay nakadungaw sa balkonahe ng paaralan. Mukhang talagang inabangan kami (tapos naka-tricycle lang kami?? Jologs!). Sinalubong kami ng guidance counselor na kulay itim ang nail polish sa mga daliri ng paa't kamay. Di nagtagal, nagsimula na ang pagsusulit.
42 examinees ang akin. Meron akong walong batang bibo… napansin ko ngang sa paaralang mismo na yun sila nanggaling, tapos mukhang magkakaklase pa; kaya siguro malalakas ang loob. Sa awa ng Diyos tumahimik din naman sila (dapat lang kung ayaw nilang…!

).
May drawing test para sa piling mga kurso; alas-tres na kami nakaalis sa PTC. Gusto na naming umuwi kaya napagkaisahang sa bus na lamang kumain (ng almusal at tanghalian!).
Pagkakain, tulog silang lahat pwera lang ako (hyper pa rin!). Nakatulog din naman ako, pero nasa Kalakhang Maynila na kami noon. Tapos pagtuntong ng USTe, lahat ng tao ay gustong maglabas ng kinain…
* * *
Hindi naman lahat ng batang kumuha ng pagsusulit ay ubod ng sama. May naging examinee ako… nung nililigpit ko na ang mga gamit pagkatapos ng pagsusulit, lumapit sya sa akin at sinabi, "Ma'am, thank you po."
Sa lahat ng kabataang pinag-test ko ngayong taon (mahigit 300 pag pinagsama-sama ko na), sya lang ang kaisa-isang nagpasalamat sa akin. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataong makuha ang pangalan nya, pero na-touch talaga ako sa ginawa nya. Teary-eyed na 'to...
* * *
Naranasan ko na ring mag-shred para sa aming mahal na opisina. Dahil wala naman kaming sariling shredder, nakikigamit kami sa Computer Center.
Mezzanine ang opisina ng Computer Center, kaya kinakailangang buhatin ang bulto-bultong papel paakyat. Maliit pa ang pintuan nila papunta sa shredding room kaya naman naalala ko bigla ang CAT days ko nung highschool na kailangang mag-duck walk pag nagagalit ang inyong officer.
Isa pang hindi ko makakalimutan sa shredding ay noong nakasama ko si Rean at Megan (Regan na lamang para mas maikli - hehehe!). Hindi ko pa sila masyadong ka-close bago kami mag-shred, ngunit matapos noon… hala! Nadiskubre naming iisang dugo pala ang nananalaytay sa aming mga ugat!
Matapos ang mahabang kwentuhan habang nagse-shred, anim na trash bags ang aming kinaladkad mula Computer Center hanggang sa tapat ng OFAD. Tiningnan lamang kami nung mga nakasalubong naming janitor (pinagtawanan pa nga yata kami - tsk-tsk-tsk!).
Magmula noon, kaming tatlo'y tinaguriang Payatas Babes.
GO PAYATAS!!!
* * *
Matapos gamitin ang mga materyales, dapat ligpitin. Kapag natatapos ang isang testing date, inilalagay sa mga kabinet sa opisina ang mga ito. Medyo mataas kaya kailangang tumuntong sa kung saan-saan.
May lahing gagamboy pala ang ilan sa amin. At maituturing kong isang malaking accomplishment ang mailagay ang isang bundle na test booklet (50 piraso) sa kabinet nang walang kinakapitan kahit sobrang kipot ng aking tinutuntungan; naka-uniporme pa ako't nakatakong. Hindi lang isang beses itong nangyari.
* * *
BODEGA TIME!!!
Sa likod ng chapel matatagpuan ang bodega ng UST. Dahil sa angking talino ng arkitekto nito, dalawang set ng hagdan ang aakyatin mo (sana ay mala-inclined plane na lang di ba, para pwedeng mag-trolley. May pulley pero sira naman kaya hindi rin magamit).
Gusto kong matawa kasi habang nagbubuhat kami ni Marlon ay tumutulo ang pawis nya doon sa kahon; para tuloy itong naulanan. Pero dapat pigilan ang sarili! Baka mawalan ako ng lakas at pareho kaming matabunan. Masaklap yun pag nagkataon.
Paalala kung ikaw ay magbobodega: Wag lumingon sa pinanggalingan kung gusto mong makarating sa iyong paroroonan.
Chillin' Out
Nitong mga huling araw, napapadalas ang pagdiretso namin sa kainan pag uwian. Dati, chipipay pizza; ngayon, pika-pika. Tigsasampung piso sa Noval. Ayaw pa rin kaming bigyan ng diskwento ni Manang kahit araw-araw kami doon; mataaas na raw ang halaga ng mga bilihin at bagsak pa rin ang ekonomiya. (Sige na nga!)
Umaatikabong kwentuhan ang magaganap sa Noval na ipagpapatuloy sa football field. Kung inabot ng alas-otso at hindi pa rin tapos, lilipat sa may pay parking (sa tapat ng ospital) kasi sisitahin na kayo ng mga gwardiya. Tapos, ayun, sabay-sabay pa rin paglabas ng eskwelahan; mag-aantayan hanggang makasakay.
Ano ba ang aming dinidiskurso at tumatagal ng ganito? Marami. Tungkol sa mga buhay-buhay namin: pamilya, eskwelahan, trabaho, at pag-ibig (ahem: PAG-IBEEEG!!!). Tungkol sa darating na eleksyon. Mga plano para sa hinaharap. Pilosopiya. Mga kalokohan.
Natutuwa ako kasi lalo ko silang nakikilala sa mga sandaling katulad nito. Interesante kasi ang mga opinyon nila; nahihimok nila akong mag-isip din. In a way nakikilala ko rin ang sarili ko.
* * *
Ang mga sumusunod ay ilan sa mga quotable quotes na aking nakalap mula sa OFAD, loob man o labas ng opisina:
- "Don't talk to strangers when your mouth is full."
- "Life is like a box of chocnut. You'll never know if it's durog or not."
- "Wag mo silang pagtaasan ng boses; pagbabaan mo ng boses."
- "OK lang yan. Shit happens."
- "Buti na lang ikaw ang nandito." (Whoa! As if...!

)
- "Live life in your own special way."
- "Dahan-dahan...! Madilim!!"
- "PASOK!! Pumasok ka ditooo...!!"
- "MALANDE!!! POKPOK!!! SUMBONG!!!"
- "Masasaktan ka talaga!!"
- "Yes, Madam!" (Magalang na bata!

)
- "Yang nanay mo ha!"
- "Ayaw ko nga. Ano ako, MH?" (Mahadera?? Hahaha

)
- "Magaling ka naman talaga. Ikaw lang ang ayaw maniwala." (Hanggang ngayon hindi pa rin ako naniniwala… hehe!

Pero salamat, mother.)
- "Ma'am, sino yun? OK yun ah, brusko lang magsalita." (Ganun?? Gusto mong ma-whapak??)
- "Nge… kayang-kaya nyang umuwi no! Lalake yan eh!" (Aray naman!)
- "Makikita rin nila ang aking bagong magnificence."
- "Wag ka nang magpaliwanag!"
- "Masyado ka kasing sensitive eh, sineseryoso mo lahat. I-try mo naman kayang minsan, wala ka lang pakialam?"
- "Wag ka nang umiyak."
- "Matulog ka na." (Mabuti pa nga!)
- "Alam mo, kung magwo-work ka rin ng after lunch, mag-aamoy-araw ka rin!" (Eh bakit ba kasi nagagalit??

)
- "O, nagmumura na naman…"
- "Masakit ba talaga, o naghihinarte ka lang?" (Nakita mo na ngang nagdudugo na yung paa ko eh!)
- "Ang arte mo… pumunta ka!"
- "Hindi lahat ng yabang, negative."
- "Let vibrancy prevail."
- "Life is good when you're having fun."
- "Alam mo ba kung saan nanggaling ang salitang Dangwa?"
- "Kung ikaw ay papipiliin, ano ang iyong pipiliin at bakit?"
- "In fairness naka-sleeveless sya. Parang ube." (Hayop! Tapos the next day ponkan na ponkan naman...

)
- "Bakit ba hindi ka namamansin? Para kang may mens."
- "Pag kasama kita, nauurat ako."
- "Bastusin mo naman ako!"
- "Eh kasi nga, nagseselos!"
- "DUWAG! CHICKEN! TORPE!"
- "SARAAAAP....!!!"
- "Eh bakit kaya nangingiti ang Charito?"
- "Love your work."
- "Ang mga tao talaga, oo!"
- "Ano ba itong napasukan ko???" (Sindikato!! Wehehe

)
- "Pag nandito ka talaga, lagi akong pinagbubuhat!" (Sira, eh sa akin mo rin naman pinapabuhat no!

)
- "Ang sakit ng buo kong pagkatao!!"
- "I like it! I like it!"
- "Na-miss kita. Wala kasing ibang dalahira dito..."
- "PAG-IBEEEGGGG!!!!"
- "Ah! Ask the guard na lang sa labas..." (Coñotic! Mwahaha!

)
- "Minsan kailangan mong sumuko para manalo; kailangan mong magpahinga para lumakas."
- "Kahit anong bagay naman, basta sobrang na-attach ka, masama na."
- "Habang may buhay, sa OFAD ibibigay…" (Lintek!)
- "DUH!!! As in malaking DUH!!!" (Syempre trademark ko yan...

)
Pero siguro, ito ang pinakamahalagang leksyong natutunan ko: Ugaliing mag-blower. When all else fails, maganda pa rin ang lola mo!!!
* * *
Sa OFAD din ako natutong magrosaryo.
Oo, walong taon ang ginugol ko sa pinakamalaking katolikong unibersidad ng Pilipinas ngunit hindi ako marunong mag-rosaryo! Napakamakasalanan ko… ang dumi-dumi ko!!!
Pinagtawanan ko lamang sila nang sabihin nilang mag-lead ako. Akala ko'y isa itong malaking biro. Pero hindi sila natinag… seryoso talaga sila! Buti na lamang at may booklet namang gabay.
Mahilig talagang manundot ang tadhana. Hindi ko matandaan kung aling misteryo na kami noon; basta narinig ko, "Hail Mary, Mother of God..."
Napatingin kaming lahat sa aming kasama. Sya rin ay natigilan at wari'y naguluhan sa kanyang sinabi. Kung meron mang tinatawag na "moment of silence," ito na yun.
Nangiti kaming lahat at nagpigil tumawa.
* * *
Bago matapos ang Marso, pumunta kami sa Anilao, Batangas. Labing-isa lamang kami, pero kahit hindi buo ang pamilya, kahit papaano, naging masaya naman kami. Hindi nga ako dapat sasama pero pagpasok na pagpasok ko pa lang noong umaga ay yun na agad ang ibinato nila sa akin: "Sasama ka ba?"
Konting tulak pa ay napasama na rin ako. Umuwi na lang ako ng bahay para maghakot ng gamit.
Gabi na nang kami'y makarating sa beach ni Aling Nora. Yung iba ay nagpalit muna ng damit-pampaligo; yung iba naman ay binanatan agad yung pagkain (hehehe). Maganda ang pwesto namin nina Nedy at Jhen... abot-kamay lamang ang tagumpay
Kawawa nga yung tatlong tilapia... matapos pagkaguluhan ay hindi mo na makilala kung anong uri ng buhay yun noon. Isang marangal na libing na lamang ang pwede mong ibigay. Ika nga ni Marlon, "Anong ginawa nyo kay Penang???"
(Wennie, sa uulitin!

)
Doon lamang kami sa balsa. Bawal lumayo kasi walang lifeguard pag gabi, eh merong lugar doon na biglang-lalim (65 feet). Mahirap na. Baka hindi kami kayaning iligtas lahat ni Dugong.
Naglaro kami ng langit-lupa, nagkodakan (hoy Zar, dalian mo ngang ipa-develop yan!), nagumon sa sugal ang ilan, konting inuman. Namulot ng batong panghilod, nagbatuhan ng seaweed, nagbasaan. Naglakad sa gilid ng dagat, tumakbo nung parang may nakatayo banda roong hindi namin malaman kung tao ba o engkanto.
Magdamag kaming nakahiga sa dalampasigan, bumubulong sa isa't isa habang nakatitig sa mga tala.
Balang-araw kaya, mahuhulog rin ang talang iyon?
* * *
OFAD lingo na, OFAD lingo na... aah...
PEOPLE OF THE UNIVERSE - OFAD pipol
AKTIBONG KATAWAN - mga taong laging present sa opisina; umulan man o umaraw, pasabugan man ng mga terorista, magunaw man ang mundo, naka-duty pa rin
BARBARIDAD - mga gawain o pangyayaring nakakaiskandalo pero nakakatawa
GRABIDAD - mas mataas na lebel ng kahit anong bagay
AMBISYOSA - mga taong ipinagpipilitan pa rin ang gusto nila kahit wala naman sa lugar
TARANTACIOUS - laging natataranta kahit wala namang dapat ikataranta
DIAPER - mga scratch paper na ginagawang bundle
INOBASYON / TEKNOLOHIYA - mas episyenteng paraan ng paggawa ng mga bagay-bagay
DOCUMENT - this is it
MOTHER SHIP - ang computer na naglalaman ng lahat ng importanteng impormasyon; hindi ito katulad ng ibang computer sa office
BELTBAG - lalagyan ni Wennie ng bayad sa pautang; malaking tiyan/puson
ICEBOX - lalagyan ni Erwin ng gamit pagpunta sa Batangas
BANIL - kapag meron ka nito, kailangan mo nang maghilod... di ba Totel?
MARUNGIS - lahat ng tao sa OFAD ganito; hindi lang masyadong halata yung iba... hahaha!
MADUMI - synonymous sa "marungis"
MAPAGBALAT-KAYO / MANLILINLANG / NAGMAMAANG-MAANGAN - taong akala mo'y malinis, marungis pala
MAGANDANG BALITA - tsismis na totoo (?)
ISYU - tsismis na hindi totoo (!)
MALANSA - kahina-hinalang pangyayari o tao
PAKHEMO - pagpapagamot ng isang may kanser
BOX OFFICE QUEEN - ang taong may pinakamataas na sweldo sa buwang kasalukuyan
PUNDASYON - orihinal na batch ng SAs
INSTITUSYON - SA noon magpahanggang-ngayon
MVP - laging taya sa langit-lupa
MASSUERTE - paboritong kainan namin noon pag tanghalian, na sa katagalan ay naging "MALAS"
LENI ROSS - isa pa naming "paborito" (?) sapagkat lahat ng nasa menu nila ay "cooked to perfection; deep-fried until golden brown"... ohdiba, parang kinopya sa lata ng Baguio oil!!

Bukod doon ay lagi pang nakaabang ang may-ari sa pinto, ready to serve you better.
BREADED PORK CHOP - repeat after me: breaded pooork chop
INUTIL - mga taong hindi makaintindi kahit anong pagpapaintindi pa ang gawin; mga taong mabagal kumilos/mag-isip
PAKPAKPAK - ang parusa sa isang taong inutil
WHAPAK - mas mataas na lebel ng "pakpakpak"; hindi lang basta-basta inutil ang binibigyan nito kundi yung mga imbalido
ULAYAWAN - mahabang kwentuhan after work, usually sa football field, na inaabot hanggang lights-out sa USTe
AMOY-PAWIS - ang party list ng mga taga-OFAD sa Kongreso
Meron ding mga makulay na personalidad dito. Hulaan mo kung sinu-sino sila:
- Mudra / Madam
- Queen Mother
- Reyna Dowager
- Mrs. Melon (o Mellon?)
- Planet Earth / Mother Earth
- Anak ng Dilim
- Anak ng Lubak
- Anak ng Isda
- Duganda (Dugang from Uganda)
- Janitor Fish / Clown Fish
- Victoria, Marina, Dugong, Ista (tama ba spelling?)
- Pudong
- Gagamboy
- Alta Gracia
- Lorna Tolentino, Zsa-zsa Padilla, Lovely Ness, Karylle, Vandolph, Dolphy
- Familia Zaragosa
- Familia Yahoo
- Miss Beauty
- Cynthia Luster
- Techie Agbayani
- Anjo Yllana
- Helen Vela
- Viva Hot Babe (Viva Hotdog??

)
- Patrolman
- Ola
- Chief
- Doktora, Master, Misis
- Morning Girls
- Beauty Queens
- Powerboys
- Mama Bear, Papa Bear (luma na ito… konting-konti na lang ang makakaalala)
- Payatas Babes (nabanggit na kanina)
Epilogue
Fast-forward tayo sa kasalukuyang panahon, dalawang taon magmula nung ako'y seventeen going eighteen pa lamang. Tapos na ako sa aking pag-aaral, pero hanggang ngayo'y nakikigulo pa rin ako sa kanila. Minsan parang hindi ko sila kayang iwan; aminin na natin, kakaiba talaga ang mga karanasang naidulot sa akin ng institusyong ito. Sumigla talaga ang buhay ko. Hinding-hindi ito matutumbasan ng kahit ano. PAMILYA ITO.