April 18th, 2004
Ito ang isa sa pinakamahalaga at pinakamasayang araw sa buhay ng isang tao.
Ngunit hindi ako masaya. Hindi ko ito halos pinapansin. Nagbabad ako sa internet noong bisperas ng nasabing okasyon; alas-dos na ng madaling-araw nang matulog ako. Kinailangan ko pang pilitin ang sarili ko… maaga kasi ang call time sa PICC; alas-siyete dapat nandoon ka na.
Sa totoo lang ayaw kong pumunta. Pakiramdam ko kasi, hindi ako deserving (kahit hindi naman ako nagkaproblema sa grades). Ewan; siguro, madrama lang ako. Ika nga ng isa dyan, "Ang arte mo… pumunta ka!"
Eh bakit nga ba ako malungkot at naghihinarte?
Kumpleto ko lahat ng requirements. Nagawa ko lahat ng dapat gawin. Ngunit hindi ko ginawa ang mga yon sa paraang nararapat, yung ayon sa aking personal na batayan. Para akong karpinterong gumawa ng silyang hindi pantay ang mga paa, at pikit-mata itong ipinasa sa kustomer. Nakuntento ako sa "pwede na" kahit "pwede pa."
Sa madaling salita, hindi ko ibinigay lahat ng kaya kong ibigay.
May mga bagay kasi akong inuna na hindi naman gaanong mahalaga; hindi titigil ang pag-inog ng mundo kung palalampasin ko ito. Nahati ang atensyon ko kung kelan kinailangan kong ibigay ang buo kong konsentrasyon, ang sandaang porsyento ng aking lakas.
Pero wala akong sinisisi at wala akong pwedeng sisihin kundi ang aking sarili. May choice ako, hindi ko lang ginamit nang mabuti. Minsan tuloy napapaisip ako kung tanga lang ba talaga ako o nagtatanga-tangahan. Ika ko nga noon, "Stupidity isn't when you have no idea what's good or what's bad for you. It is when you do know, but still, you don't - or won't - do anything about it." (naks, words of wisdom!)
Ngunit nandito na tayo at hindi na maibabalik ang nakaraan, kaya harapin na lamang natin ang araw na ito.
Ala-sais na ng umaga nang magising ang mga tao sa bahay (kasama ako dun). Naliligo pa lamang ako sa oras na dapat, papunta na ako sa aking paroroonan. Nakalugay ang basa kong buhok; ni spraynet (o sige, hairspray pala ang tawag dun ü) wala. Makeup? Wala rin, maliban sa foundation na hindi ko naman alam kung paano ilalagay sa aking mukha (dulot ng kawalan ng karanasan sa mga ganoong bagay. Pati damit ko nakulayan; buti na lang at hindi masyadong halata), at lipstick na madali ring kumupas… ni anino nito'y wala akong maaninag pagtapak ko ng PICC.
Buti na lang at nakita ko agad ang isang kaibigan pagbaba ko ng taxi; hindi na ako masyadong magmumukhang basang sisiw na nagpumilit mag-gown (haha, akala ko ba malungkot at walang pakialam… bakit kaya naka-gown ang aba ninyong lingkod…? =p). Pagkalipas ng mahabang kodakan (wala kaming ibang magawa dahil sarado pa ang PICC; exag yung kaklase kong nagsabing "sobrang late" na ako), nagsimula rin ang martsa.
Papaupo na ako sa aking designated seat nang dahan-dahang lumapit ang adviser ng section namin (isa kasi sya sa mga naatasang ayusin ang seating arrangement). Tinanong ako, "Ms. (pangalan ko), what happened to you?"
Translation: Bakit daw wala akong honor.
Para akong nakarinig ng OST ng Twilight Zone nung sandaling yon. As in. At cum laude pa yung katabi ko! At kaapelyido ko pa ang cum laude na yun! At kami lang dalawa sa buong populasyon ng magtatapos sa araw na yun ang magkaapelyido! Ohdiba nakakatawa!
Pahabol: At nickname ko pa yung ginamit ng prof ko! Hindi ko alam kung matutuwa ako o ituturing ko itong dagdag-insulto. Ika nga sa Ingles, "adding insult to the injury", "rubbing salt to the wound," at wag nating kalimutan ang "slap in the face."
Tumawa lang ako (na sa pandinig ko'y mas tunog piyok kesa tawa) at sinabing, "Don't ask."
(Wala naman kasi sigurong gustong palabasin ang prof ko; OA lang ako. Ika nga dun sa patalastas ng isang gamot noong bata pa ako, "Mukhang guilty!")
Pero iba pa rin ang pakiramdam nung naglakad ako sa stage at kinamayan ng aming mahal na dekana. Parang gusto kong maluha na hindi ko maintindihan.
Natapos ang seremonyas. Medyo natuwa ako nung kodakan (ulit). Kahit paano'y nakalimutan ko ang aking sama ng loob sa mundo.
Ang sakit ng ulo ko pag-uwi… pabugso-bugso kasi kung magmaneho yung taxi driver, parang takot pagulungin sa semento yung sasakyan. Sobrang init pa. Kaya uminit ulit yung ulo ko.
(Nagulat nga yung tatay ko nung walang kagatul-gatol kong ininom ang isang basong - as in malaking basong - alak. Red wine lang yun, oo, pero hindi nya inakalang ganun pala kalakas ang resistensya ng pangatlo nyang anak.)
Matapos kong mananghalian, nagkulong ako sa kwarto. Ipipikit ko na ang aking mga mata nang biglang may mag-text sa aking highschool friend. Kumusta raw at saan daw ba ang handaan.
Hindi ako sumagot. Tapos, pinatay ko yung telepono ko.
Alam kong masaya lang sila para sa akin, at nais nilang makibahagi sa aking tagumpay. Inaasahan kasi nilang masaya ako sa araw na ito, gaya ng mga normal na tao. Ang problema (na kaninang-kanina ko pa inuulit), hindi ako masaya. And, no offense meant pero… please, just leave me alone.
Isa ito sa mga pambihirang pagkakataon na masasabi mo nang buong katapatan, yun bang hindi lang nagpapalusot, "It's not you, it's me." I know they mean well. Ngunit nais ko lang talaga mapag-isa ngayon.
(Sa taong yun, taos-puso akong humihingi ng paumanhin.)
Kinabukasan, pumasok ako sa trabaho… nakigulo ulit sa mundo ng mahal kong opisina. At napangiti na naman ako.


